--Ads--

Positibo ang naging reaksiyon ng ilang tricycle driver sa planong pagpapatupad ng QR Code System sa mga pampasaherong tricycle sa Lungsod ng Cauayan upang mapadali ang pagrereklamo ng mga pasaherong nakararanas ng hindi maayos na serbisyo.

Sa ilalim ng panukalang sistema, magkakaroon ng QR code ang bawat tricycle na maaaring i-scan ng mga pasahero gamit ang kanilang cellphone upang direktang maiparating sa kinauukulang tanggapan ang kanilang mga hinaing.

Kabilang sa mga maaaring iulat ang paniningil ng sobrang pamasahe, hindi maayos na pakikitungo sa mga pasahero at pamamasada nang walang kaukulang permit o prangkisa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jose Paguirigan, isa sa mga tricycle driver sa lungsod, ikinatuwa nito ang naturang hakbang dahil mas mapapadali umano ang pag-alam ng mga kinauukulan sa mga reklamo at concern ng mga commuter.

--Ads--

Ayon kay Paguirigan, hindi maiiwasang magkaroon ng magkakaibang pag-uugali sa hanay ng mga driver, lalo na’t may ilan pa ring nagiging arogante, naniningil nang sobra sa itinakdang pamasahe at bumibiyahe nang walang kaukulang prangkisa.

Naniniwala siyang makatutulong ang QR Code System upang mas mabigyang-pansin ang mga reklamo at magkaroon ng pananagutan ang mga driver sa kanilang pakikitungo at pagbibigay-serbisyo sa mga pasahero.

Bukod dito, magsisilbi rin ang QR code bilang paraan upang mas madaling matukoy kung ang isang tricycle ay may kaukulang permit at prangkisa, bilang hakbang laban sa pamamasada ng mga kolorum na sasakyan.

Inaasahan na sa pamamagitan ng naturang sistema ay mapalakas ang disiplina sa hanay ng mga namamasada, maprotektahan ang mga pasahero laban sa posibleng pang-aabuso at mapanatili ang maayos na serbisyo ng pampublikong transportasyon sa Lungsod ng Cauayan.