Patuloy na isinusulong ng Department of Migrant Workers (DMW) Region 2 ang mga job fair at service caravan upang mabigyan ng mas maraming oportunidad sa trabaho ang mga residente ng Cagayan Valley, lalo na ang mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Roger Benitez, Regional Director ng Department of Migrant Workers Region 2, sinabi niyang bahagi ito ng Government Service Caravan cum Job Fair na handog ng DMW Regional Office 2 sa pakikipagtulungan ng Provincial Government of Isabela, na ginanap sa Capital Arena sa Barangay Alibagu, City of Ilagan, Isabela.
Ayon kay Benitez, sa naturang job fair ay nakapagtala sila ng 600 registrants kung saan 61 ang agad na natanggap sa trabaho. Aniya, ang iba pang aplikante ay sasailalim pa sa mga interview at pagsusulit para sa mga posisyong may kaugnayan sa financing sector.
Ayon kay Benitez, hindi lamang sa isang partikular na panahon isinasagawa ang paghahanap ng trabaho dahil buong taon na nagsasagawa ng job fairs at service caravans ang DMW sa iba’t ibang bahagi ng Region 2 upang mabigyan ng oportunidad ang mga kwalipikadong aplikante.
Aniya, limang overseas recruitment agencies ang inimbitahan sa aktibidad na nag-alok ng mga trabaho sa iba’t ibang bansa. Karamihan sa mga bakanteng posisyon ay para sa skilled workers, professionals, at mga nasa health-related fields.
Wala namang inanyayahang recruitment agencies para sa domestic helper positions dahil layunin ng DMW na mahikayat ang mga Pilipinong manggagawa na sumailalim sa upskilling upang magkaroon ng mas mataas na uri ng trabaho sa ibang bansa.
Dagdag pa niya, mataas ang pangangailangan sa skilled workers sa mga bansa sa Middle East at Europe, partikular sa healthcare at iba pang technical occupations.
Katuwang ng DMW ang TESDA sa pagsasagawa ng mga assessment at training upang matiyak na ang mga aplikante ay may sapat na kakayahan para sa mga trabahong inaalok sa ibang bansa. Marami rin umanong training slots ang TESDA para sa mga nais mag-upskill bago magtrabaho sa abroad.
Samantala, maraming ahensya ng pamahalaan kabilang ang DOLE, TESDA, SSS, PhilHealth, NBI, Pag-IBIG, DA, DICT, at iba pa ang nakibahagi sa service caravan upang maghatid ng iba’t ibang serbisyo sa publiko.











