Nagpaalala ang Department of Health o DOH sa publiko matapos umabot sa ilang bahagi ng bansa ang haze na nagmula sa mga wildfire sa Kalimantan, Indonesia.
Ayon sa mga awtoridad, naitutulak ng habagat patungo sa Pilipinas ang usok at maliliit na particle na nagdudulot ng pagbaba ng kalidad ng hangin.
Batay sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense, mino-monitor ngayon ang air quality sa Negros Occidental, Negros Oriental, Siquijor, Cebu, Bohol at lahat ng probinsya sa Mindanao dahil sa epekto ng haze.
Partikular na pinaalalahanan ang mga pampublikong drayber, delivery rider, street vendor at field worker na madalas nasa labas na sumunod sa mga health advisory ng DOH upang mabawasan ang panganib ng mga sakit na maaaring idulot ng maruming hangin.
Hinikayat din ang publiko na manatiling updated sa mga abiso ng mga awtoridad habang patuloy na mino-monitor ang sitwasyon.











