CAUAYAN CITY – Bumuo na ang Department of Health (DOH) region 2 ng Investigating team na mag-aasikaso sa mga reklamo laban sa mga ospital na hindi maganda ang pagtrato o pag-aasikaso sa kanilang mga pasyente.
Mayroong nang isang ospital ang inireklamo at nasa legal division na ng DOH.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Rio Magpantay, Regional Director ng DOH region 2 na marapat na alam ng mga kawani ng isang ospital ang COVID-19 prevention and control measures upang makaiwas sa virus.
Sinabi ni Dr. Magpantay na nabigyan na ang bawat ospital ng mga guidelines kung paano ang kanilang gagawin.
Iginiit ni Dr. Magpantay na hindi dapat tanggihan ng isang ospital ang mga pasyente pangunahin na ang suspect COVID-19 patient na dapat bigyan ng atensiyon at kung hindi makakayang gamutin ay agad na makipag-ugnayan sa DOH.
Sinabi pa ni Dr. Magpantay na mayroon na silang natatanggap na reklamo sa hindi magandang pagtrato ng mga ospital sa kanilang pasyente.
Ang binuong Investigating Team ng DOH region 2 ay makikipag-ugnayan sa mga inirereklamong ospital na bibigyan ng pagkakataon na mapagpaliwanag.
Ayon kay Dr. Magpantay, kailangan nilang tutukan ang reklamo ng mga pasyente upang matiyak na sumusunod ang mga ospital sa mga alituntunin ng DOH.
Kailangan lamang na sumulat sa DOH ang mga nagrereklamo at magbigay ng mga detalye upang makapagpaliwanag ang mga inirereklamo sa binuong Investigating Team.
Sinabi ni Dr. Magpantay na mapapatawan ng sanction ang ospital na mapapatunayang may pagkukulang sa pag-asikaso sa kanilang mga pasyente.











