--Ads--

CAUAYAN CITY– Nagsagawa ng emergency virtual meeting ang Department of Health (DOH) region 2 dahil sa nakakaalarmang pagtaas ng nagpopositibo ng COVID 19 sa rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng Cagayan Valley Medical Center, sinabi niya na dahil nakakaalarma na ang pagdami ng mga pasyente na na-aadmit sa ibat ibang pagamutan sa rehiyon dos ay hiniling na niya kay Dr. Rio Magpantay, regional Director ng DOH region 2 ang paglalaan ng 20-30% ng bed capacity bilang isolation room para sa COVID-19 patients sa mga pribado at pampublikong pagamutan.

Aniya, dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID 19 ay pinangangambahan ang kawalan na ng espasyo ng iba pang mga pasyente na magmumula sa ibat ibang LGU na kinakailangang ma-admit.

Ayon kay Dr. Baggao naging maganda naman ang tugon ng mga pribadong pagamutan sa naturang kahilingan ng DOH.

--Ads--

Iginiit ni Dr. Baggao na nagsimula ang pagtaas ng trend sa kaso ng COVID-19 noong ikalawang linggo ngayong Enero matapos ang holiday season.

sa ngayon ay nasa 100 % na ang occupancy ng tatlong DOH hospital sa Region 2 na kinabibilangan ng CVMC sa Tuguegarao City, Region 2 Trauma and Medical Center sa Bayombong, Nueva Vizcaya at ang Southern Isabela Medical Center sa Lunsod ng Santiago, gayunman tiniyak ni Dr. Baggao na hindi nila maaaring isakripisyo ang mga non-covid patients.

Ang bahagi ng pahayag ni Dr. Glenn Matthew Baggao