Hiniling ng Department of Justice o DOJ sa Senado na dagdagan ang confidential funds nito para sa 2027 at ibalik sa panukalang P1.1 billion ang alokasyon.
Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni DOJ Secretary Frederick Vida na P579.4 million lamang ang kasalukuyang nakalaan para sa kanilang tanggapan at mga attached agencies.
Ayon kay Vida, maaapektuhan ng pagbawas ang ilang programa tulad ng Witness Protection Program at Inter-Agency Council Against Trafficking, pati ang mga operasyon laban sa cybercrime at online sexual abuse sa mga bata.
Samantala, sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na makatutulong ang dagdag na confidential funds sa kanilang fugitive search unit na kasalukuyang may 20 tauhan lamang.
Iginiit naman ni NBI Director Melvin Matibag na kailangan nila ang P1.1 billion confidential fund para sa 2027 dahil sa patuloy na pagdami ng mga kasong cybercrime, na aniya’y umaabot na sa pito hanggang walo sa bawat 10 reklamong natatanggap ng ahensya.











