Inanunsyo ni Department of Justice Sec. Fredderick Vida na inatasan na ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation para ipatupad ang ‘arrest warrant’ mula International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Bato Dela Rosa.
Maaari na umanong isilbi ang warrant of arrest ng ICC laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa ng walang legal na hadlang, ayon sa Office of the Solicitor General (OSG).
Ito ay kasunod ng pagbasura ng Korte Suprema sa hiling ng senador na temporary restraining order (TRO) sa naturang warrant habang nakabinbin ang kaniyang pangunahing kaso.
Matatandaang, nag-ugat ang paghiling ng senador ng TRO sa kataas-taasang hukuman matapos ibunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla noong nakalipas na taon na nag-isyu na ang ICC ng warrant para sa pag-aresto kay dela Rosa.
Maliban dito, hiniling din ng kaniyang kampo sa SC na pigilan ang gobyerno mula sa pag-transmit ng anumang ICC-related communication sa pamamagitan ng diplomatic o law enforcement channels habang nakabinbin ang resolusyon ng kaniyang petisyon.











