--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) na aabot sa 3.3 milyon ang bilang ng mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi niya na karamihan sa mga manggagawang nawalan ng trabaho ay galing sa mga restaurant, hotel, transportasyon, clerical administrative works at manufacturing.

Pinakaapektado ang mga galing sa hotel dahil walang masyadong nagpupunta sa mga ito bunsod ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Secretary Bello, marami rin ang naapektuhan sa sektor ng transportasyon lalo na ang mga provincial buses na humihiling na sila ay payagan nang mamamasada.

--Ads--

Unang tinulungan ng DOLE ang mga drayber ng bus na nawalan ng trabaho.

Sa pamamagitan ng COVID-19 Adjustment Measures Program o DOLE-CAMP ay mabibigyan ng tulong ang mga manggagawang nawalan ng trabaho.

Bibigyan ng DOLE ang mga manggagawa ng 5,000 na cash aid at maaari namang livelihood sa mga umuwing Overseas Filipino Workers (OFWs) na gustong magsimula ng sariling negosyo kaysa umasa sa mga maibibigay na trabaho sa kanila.

Tiniyak ni Kalihim Bello na kapag nailabas na ang pondo ay bibigyan ng tulong ang mga nawalan ng trabaho pero minsan lamang ito.

Ang pahayag ni Kalihim Silvestre Bello III ng DOLE