--Ads--

CAUAYAN CITY- Ipinaliwanag ng DOST-Pagasa ang pagkakaiba ng Heavy Rainfall outlook at Heavy Rainfall warning na ipinapalabas ng ahensya bilang babala sa posibeleng pagbuhos ng ulan sa ilang mga lugar sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng DOST Pagasa, sinabi niya na ang heavy rainfall outlook ay ipinapalabas kapag may posibilidad na makaranas ng pag-ulan ang isang lugar  batay sa accumulated rainfall sa loob ng 24 oras.

Kadalasang saklaw ng rainfall outlook ang lagay ng panahon sa loob ng tatlong araw.

Mayroon aniya itong tatlong color-coded heavy rainfall warning level na nakadepende sa lakas ng mga mararanasang pag-ulan.

--Ads--

Ang ibig sabihin ng yellow warning ay moderate to heavy rains ang mararanasan habang ang katumbas naman ng Orange warning ang heavy to intense rainfall at maaari namang makaranas ng intense to torrential rains kapag ang isang lugar ay nakasailalim sa Red warning.

Samantala, ang Heavy rainfall warning system naman ay ipinapalabas naman ng DOST – Pagasa kapag mayroong mga rain-bearing weather system na nagdudulot ng malawakan o malalakas na pag-ulan gaya na lamang ng bagyo, shearline, Northeast monsoon, LPA atbp.

Kagaya ng heavy rainfall outlook ay mayroon din itong color-coded heavy rainfall warning level.

Ang yellow warning ay nangangahulugan na maaaring makaranas ang isang lugar ng pag-ulan na loob ng isang oras at higit pa na may volume na 7.5 hanggang 15mm.

Ipinapalabas naman ang orange warning kapag kinakailangan nang I-alerto ang publiko sa potential na panganib na dulot ng pag-ulan sa publiko dahil sa banta ng pagbaha.

Sa ilalim ng Orange warning ay kanselado na ang pasok ng estudyante sa mga apektadong lugar.

Asahan naman ang pagbaha  maging ang pagguho ng lupa kapag nakataas ang red warning dahil posibleng umabot sa mahigit 30mm ang rainfall volume sa loob lamang ng isang oras na maaaring magtuloy-tuloy hanggang sa susunod na mga dalawang oras.

Kinakailangan na rin ng preemptive evacuation sa mga nakatira sa low-lying areas.