--Ads--

Ipinahiwatig ng Estados Unidos at Iran na malapit nang maabot ang isang kasunduan upang tuluyang wakasan ang kanilang digmaan matapos magkasundo ang magkabilang panig sa nilalaman ng isang memorandum of understanding.

Ayon sa isang mataas na opisyal ng Estados Unidos, inaasahang malalagdaan ang paunang kasunduan sa mga susunod na araw. Sinabi rin nito na natugunan ng kasunduan ang mga pangunahing layunin ng administrasyon ni Pangulong Donald Trump at nagbigay-daan sa mas maayos na negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa panig ng Iran, sinabi ni Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi na maaari pang magkaroon ng ilang pagbabago sa dokumento ngunit malinaw umano na mas naging matatag ang posisyon ng kanilang bansa matapos ang labanan.

Batay sa mga impormasyong lumabas, nakapaloob sa kasunduan ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz at ang pag-alis ng US blockade sa Iranian ports. Ang usapin naman tungkol sa nuclear program ng Iran ay tatalakayin sa susunod na yugto ng negosasyon.

--Ads--

Nakasaad din sa proposed ceasfire na magsisimula ang Estados Unidos sa pag-release sa bilyun-bilyong dolyar na frozen assets ng Iran at pagluwag ng sanctions sa pag-export ng langis nito kapalit ng pagbubukas ng Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang rutang pandagat para sa pandaigdigang suplay ng langis at gas.

Sa ilalim ng kasunduan, magkakaroon ng 60 araw na pag-uusap hinggil sa nuclear program ng Iran. Ayon sa mga opisyal ng Estados Unidos, layunin ng kasunduan na maalis ang kakayahan ng Iran na magtago ng mataas na antas ng enriched uranium sa pamamagitan ng pagsira at pag-aalis sa mga ito, kasama ang pagpapatupad ng mahigpit na sistema ng inspeksiyon.