Itinampok ang 11 teknolohiyang bunga ng pananaliksik sa agrikultura at pangisdaan sa Cagayan Valley sa CV RAISE Technology Transfer Day 2026 na isinagawa ngayong Oktubre 22 sa Barangay San Andres, Santiago City, Isabela, upang maiugnay ang mga ito sa mga negosyante, mamumuhunan at posibleng mamimili.
Kabilang sa mga ipinakilalang teknolohiya ang citrus tea, mushroom seasoning, rambutan wine at jam, banana flour, tomato jam ice cream, tilapia longganisa, aramang noodles at seaweed chips, gayundin ang water pump at goat semen processing technology.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dir. Noel A. Catibog, Director ng Technology Transfer and Promotion Division ng DOST-PCAARRD, sinabi niyang bahagi ang aktibidad ng Regional Agri-Aqua Innovation System Enhancement Program o RAISE, na naglalayong mailipat sa pribadong sektor ang mga teknolohiyang binuo ng mga institusyong pang-agham at pananaliksik.
Paliwanag ni Catibog, hindi sapat na mahusay ang isang teknolohiya sa teknikal na aspeto. Mahalaga ring matukoy ang potensiyal nitong kumita, ang interes ng merkado at ang posibilidad na tangkilikin ito ng mga negosyante at iba pang gagamit.
Bahagi ng aktibidad ang technology pitching at evaluation, gayundin ang business matching upang mapag-ugnay ang mga mananaliksik at mga potensiyal na adopter, mamumuhunan at trading partner.
Isinagawa ang programa sa ilalim ng ikalawang yugto ng RAISE Program, partikular sa Project 9 na nakatuon sa pagpapalakas ng Regional Knowledge Management Hub sa Cagayan Valley, sa pangunguna ni Dr. Miladis B. Mabutol.
Layunin ng programa na mabigyan ng mas malawak na pagkakataon ang mga lokal na teknolohiyang pang-agrikultura at pangisdaan na maipakilala sa merkado at mapaunlad bilang mga produktong maaaring gamitin ng komunidad at pagkakitaan ng mga negosyante.











