--Ads--

Magmumungkahi ang Department of Public Works and Highways o DPWH ng mga pagbabago sa kanilang ₱643 bilyong panukalang budget para sa 2027, na tinatayang aabot sa ₱20 bilyon.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, kabilang sa mga posibleng isama sa amendments ang mga flood control project na natukoy na kailangan matapos makita ang epekto ng mga nagdaang pag-ulan at habagat sa mga lugar na mataas ang panganib sa pagbaha.

Gayunman, nilinaw ni Dizon na hindi lamang flood control projects ang sakop ng mga pagbabago.

Kasama rin umano ang ilang bypass road projects na dati ay hindi maisulong dahil hindi pa kumpleto ang right-of-way clearances, ngunit nakumpleto na ang mga kinakailangang dokumento.

--Ads--

Posible rin umanong lumampas sa ₱20 bilyon ang halaga ng mga institutional amendments, depende sa mga proyektong mapatutunayang pinaka-kailangan at urgent para sa mga komunidad.

Sa plenary deliberations sa panukalang budget ng DPWH, sinabi naman ni Surigao del Sur 1st District Representative Romeo Momo Sr. na walang karagdagang pondong hihingin para sa mga institutional amendments.

Ipapasok lamang umano ang mga ito sa kasalukuyang budget ng departamento.

Samantala, nasa ₱643 bilyon ang kabuuang proposed budget ng DPWH para sa 2027 sa ilalim ng National Expenditure Program o NEP.