Naihanda na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga tulong na ipapamahagi sa mga residente sa Lambak ng Cagayan na posibleng maapektuhan ng Super Typhoon Francisco.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na sa kabuuan ay mayroong 210,685 family food packs ang ahensya. 114,254 sa mga ito ay naka-prepositioned na sa bawat local government units habang ang nalalabing 96,431 naman ay nasa iba’t ibang warehouses sa Rehiyon.
Aniya, mayroong 3 milyon standby funds ang ahensya na maaaring gamitin kung sakaling kulangin ang mga nakahandang food packs.
Para naman sa mga non-food items, mayroong nakahandang kitchen kits, sleeping kits, modular tents at iba pa na maaaring magamit ng mga lilikas na residente.
Isa sa pangunahing tinutukan ng ahensya ang mga coastal towns kung saan doble ng bilang ng populasyon ang food packs na dinala roon dahil sa mahirap na accessibility sa lugar kapag may sakuna.











