Umaabot sa 304 na benepisyaryo sa bayan ng Alicia, Isabela ang tumatanggap ng buwanang food assistance sa ilalim ng Walang Gutom Program ng pamahalaan.
Nagkakahalaga ng ₱3,000 ang food credits na ipinagkakaloob kada buwan sa pamamagitan ng Electronic Benefit Transfer (EBT) card na maaaring gamitin sa pagbili ng mga pangunahing pagkain.
Hinahati ang halaga sa ₱1,500 para sa bigas at carbohydrates, ₱900 para sa mga pagkaing may protina at ₱600 para sa gulay, prutas at isda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Flordeliza Ambrosio, Federation President ng Sustainable Livelihood Program Association (SLPA) sa Alicia, sinabi nitong 11 miyembro ng samahan ang katuwang sa paghahanda at pagsusuplay ng mga produktong matatanggap ng mga benepisyaryo.
Aniya, bukod sa mga supplier sa Santiago City, kumukuha rin sila ng produkto mula sa mga lokal na supplier at miyembro ng SLP sa Alicia upang makatulong sa kanilang kabuhayan.
Layunin ng Walang Gutom Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na matulungan ang mga pamilyang nakararanas ng food insecurity sa pamamagitan ng buwanang food credits at mga sesyon tungkol sa nutrisyon, kalusugan at kabuhayan.
Hinihikayat naman ang mga benepisyaryo na gamitin nang wasto ang food credits at piliin ang mga pagkaing makatutulong sa nutrisyon ng kanilang pamilya.











