CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit 40,000 na mamamayan na naapektuhan sa malawakang pagbaha sa ikalawang rehiyon ang nabigyan ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Vanessa Diana Nolasco ng DSWD region 2, sinabi niya na patuloy ang pamamahagi nila ng mga family food packs at non-food items sa mga mamamayang naapektuhan ng matinding pagbaha sa rehiyon.
Aniya nasa 46,118 na family food packs na may kabuuang halaga na 22,542,006 ang naipamahagi na sa apektadong lugar sa Lambak ng Cagayan.
Kabilang sa mga ipinamahagi ng ahensya ang mga non-food items tulad ng mga sleeping kits.
Nagbigay din ang DSWD region 2 ng burial at cash assistance sa mga pamilya ng mga nasawi sa paghagupit ng bagyong Ulysses.














