Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang sapat na family food packs na maaaring ipamahagi sa mga maaapektuhan ng Super Typhoon Champi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi nitong sa kabuuan ay mayroong 198,306 na available food packs na nagkakahalaga ng P144,188,895.
Maliban dito ay mayroon ding standby funds na P3 milyong piso.
Aniya, mayroon nang prepositioned goods sa halos lahat ng local government units maliban na lamang sa Lungsod ng Tuguegarao at Santiago.
Dahil sa Isla ng Batanes ang inaasahang pinakamaaapektuhan ng bagyo, nagpadala ang DSWD ng maraming food packs na lagpas sa kabuuang bilang ng mga households sa lugar.
Ayon kay Alan, mayroon ding 400 pirasong water filtration na naka-standy sa Lambak ng Cagayan na maaaring ipamigay sa mga nangangailangang LGU upang may mainom na malinis na tubig ang mga apektadong pamilya.
Nakatakda pang humiling ng karagdagan ang DSWD Region 2 bilang paghahanda hindi lamang sa bagyo kundi maging sa El Niño.











