Mahigit 15,700 pulis ang ipakakalat ng Philippine National Police para sa seguridad sa mga rally at iba pang aktibidad kaugnay ng ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
Kasabay nito, nagpatupad ng security at traffic measures ang mga awtoridad sa mga lugar na inaasahang pagdarausan ng mga pagtitipon sa Maynila.
Kabilang sa mga aktibidad ang mga programang isasagawa sa Liwasang Bonifacio at Mendiola.
Dahil sa inaasahang malalaking pagtitipon, suspendido naman ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Maynila ngayong Lunes, Setyembre 21.
Ayon kay Manila Mayor Francisco Moreno Domagoso, isinagawa ang suspensiyon batay sa rekomendasyon ng Manila Police District upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at school personnel.
Inaasahan ding maaapektuhan ang daloy ng trapiko dahil sa posibleng road closures at pagdagsa ng mga kalahok sa mga rally.











