Pinalalawak ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 ang access ng publiko sa mga serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng ConsumerNET Project M.I.S.S.I.O.N., na isinagawa ngayong Oktubre 28 sa Cauayan City bilang bahagi ng Consumer Welfare Month.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DTI Region 2 Regional Director Ma. Sofia Narag, sinabi niyang layunin ng proyekto na pag-isahin ang iba’t ibang ahensiya upang mailapit sa publiko ang mga serbisyong may kaugnayan sa karapatan at kapakanan ng mga mamimili, lalo na sa kaligtasan at kalidad ng mga produkto.
Ang Project M.I.S.S.I.O.N. ay nangangahulugang Mobilizing Inter-agency Services for Standards Implementation, Outreach, and Network-building at nakapaloob sa temang “Safe Products, Confident Consumers.”
Ayon naman kay DTI Region 2 Assistant Regional Director Atty. Michael Paggabao, bahagi ang aktibidad ng taunang pagdiriwang ng Consumer Welfare Month tuwing Oktubre upang mas mapadali ang pagkuha ng serbisyo at impormasyon mula sa mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor.
Sinabi ni DTI Region 2 Division Chief Atty. Angie Gumaru na ikalawang taon nang isinasagawa ang proyekto sa rehiyon. Mula sa Tuguegarao City, dinala ito sa Isabela ngayong taon upang mas maraming mamamayan ang makinabang.
Kabilang sa mga serbisyong iniaalok ang legal assistance, basic medical services, pagkuha ng mga dokumento at lisensiya, at iba pang programang pangkonsyumer. Maaari ring direktang lumapit ang publiko sa mga kalahok na ahensiya nang hindi na kailangang dumaan muna sa DTI.
Mula sa apat na orihinal na miyembro, lumawak na sa 37 ahensiya ang Consumer Network Region 2. Regular silang nagpupulong kada quarter upang talakayin at tugunan ang mga isyung kinakaharap ng mga mamimili.
Sa pamamagitan ng proyekto, inaasahang mas mapapalakas ang koordinasyon ng mga ahensiya at mapoprotektahan ang mga karapatan ng mga mamimili sa pamamagitan ng mas madaling access sa mga serbisyo at impormasyon.











