CAUAYAN CITY – Nakikipag-ugnayan na ang Department of Trade and Industry (DTI) Isabela sa iba’t ibang ahensya upang magkaroon ng composite team na susubaybay sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Winston Singun ng DTI Isabela, sinabi niya na mataas na ang presyo ng mga agricultural products ngunit hindi ito sakop ng DTI kundi ng Department of Agriculture (DA).
Sa kabila nito ay pinapaalalahanan niya ang mga nagtitinda at ipinapabatid din nila sa DA na may sakop nito sakaling may makita silang mga paglabag.
Balak ng DTI na magkaroon ng Composite Team para magtutulungan ang iba’t ibang ahensya at mas mabisa ang kanilang monitoring.
Umaasa ang DTI na maisagawa ang plano nilang joint monitoring upang masubaybayan ang paggalaw ng presyo ng mga bilihin.
Malaking tulong sa pagmonitor sa paggalaw ng presyo ng mga bilihin ang Local Price Coordinating Council (LPCC) ng mga pamahalaang lokal.
Dagdag pa ni Provicial Director Singun, ang mga basic at prime commodities na sakop ng DTI ay wala pang nakababahalang paggalaw sa presyo maliban sa ilang mayroon nang price adjustment.
Aniya, hindi napapanahon ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil hindi pa gaanong masigla ang merkado dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Ginoong Singun, pagpasok pa lamang ng buwan ng Enero ay nag-ikot na ang kanilang mga tauhan para maglabas ng paalala tungkol sa mga product standards sa mga construction materials at mga Suggested Retail Price (SRP) ng mga produktong nasa ilalim ng DTI.
Karamihan sa mga nabibigyan ng showcause order ay ang mga hindi sumusunod sa price tag at mislabelling.











