Kinumpirma ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na hindi makakasama sina Gilas Pilipinas standouts Dwight Ramos at AJ Edu sa 20th Asian Games na gaganapin sa Aichi-Nagoya, Japan sa Setyembre.
Ayon kay SBP Executive Director Erika Dy, magkakaroon ng conflict sa iskedyul dahil lalahok ang dalawa sa B.League Manila Games sa Sept. 9 at 10. Maglalaro si Ramos para sa Levanga Hokkaido habang si Edu naman ay para sa Gumma Crane Thunders.
Nakatakda ang men’s basketball tournament ng Asian Games mula Setyembre 10 hanggang 20, kung saan magtatangkang depensahan ng Pilipinas ang gintong medalya na napanalunan nito sa Hangzhou, China noong 2023.
Samantala, sinabi ni Dy na nakapagsumite na ang SBP ng short list ng mga manlalarong posibleng bumuo sa Final 12 ng Gilas para sa Asian Games, bagama’t maaari pa itong mabago bago ang pinal na pagsusumite ng roster.








