--Ads--

Posibleng hindi makalaro si Dwight Ramos para sa Gilas Pilipinas sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan dahil sa conflict sa iskedyul ng Japan B.League.

Ayon kay Ramos, magsasabay ang Asian Games at ang pagbubukas ng B.League sa huling bahagi ng Setyembre. Babalik siya sa Levanga Hokkaido matapos pumirma ng bagong kontrata.

Kasama pa rin si Ramos sa Gilas pool na isinumite ng Philippine Olympic Committee (POC), ngunit hindi pa tiyak ang kanyang partisipasyon. Naglalaro rin sa B.League sina Quentin Millora-Brown, Michael Phillips, Ray Parks, Kiefer Ravena, Thirdy Ravena, Jamie Malonzo, at Matthew Wright.

Dahil hindi FIBA-sanctioned event ang Asian Games, walang obligasyon ang mga professional league na magbigay ng break para sa mga national team players.

--Ads--

Inaasahang ilalabas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang opisyal na lineup bago magsimula ang torneo. Pangungunahan ito ng naturalized player na si Justin Brownlee habang target ng Gilas na depensahan ang gintong medalya na napanalunan nito sa 2023 Hangzhou Asian Games.