Pormal nang naisara ang pagbili sa gaming giant na Electronic Arts (EA) sa halagang $55 bilyon ng grupo ng mga investors na kinabibilangan ng Public Investment Fund (PIF) ng Saudi Arabia.
Kilala ang EA bilang developer at publisher ng mga sikat na video game tulad ng EA FC na dating FIFA, The Sims, at Mass Effect. Dahil sa bentahan, magiging pribadong kumpanya na ang EA at hindi na isasama sa stock market ang mga shares nito.
Kasama rin sa grupo ng mga bumili ang Affinity Partners na pinamumunuan ni Jared Kushner, manugang ni US President Donald Trump.
Itinuturing ang transaksyon bilang isa sa pinakamalalaking leveraged buyout sa gaming history, kung saan malaking bahagi ng bayad sa pagbili ay mula sa inutang na pondo.
Naglabas naman ng pangamba ang ilang analyst at gaming community na maaaring humantong ang malaking utang sa pagtitipid ng kumpanya, pagbabawas ng empleyado, at pagbabago sa paraan ng game developing at release ng mga games.
May ilang fans din ng EA games ang nagpahayag ng pag-aalala, lalo na sa mga larong gaya ng The Sims na kilala sa pagsusulong ng inclusivity.
Samantala, sinabi ng mga supporters ng deal na maaaring makatulong ito sa paglago ng EA, habang nakikita naman ng ilan ang pagbili bilang bahagi ng mas malawak na strategies ng Saudi Arabia na palawakin ang impluwensya nito sa gaming at sports industry.











