--Ads--

Patuloy na umaasa sa suporta ng pamahalaan ang mga magsasaka sa Cauayan City, Isabela habang hinaharap ang pagkalugi sa kabuhayan dahil sa El Niño at iba pang hamon dulot ng panahon.

Sinimulan na ngayong araw ang pagkakaloob ng Emergency Cash Transfer para sa mga magsasaka sa buong lalawigan na naapektuhan ng tagtuyot o drought na dulot ng El Niño.

Kabilang sa mga unang benepisyaryo ang marginalized farmers na may dalawang ektarya pababa ng lupang sinasaka at naapektuhan ng tagtuyot.

Nauna nang nabigyan ng tulong ang mga corn farmer noong Marso hanggang Abril, habang isinusunod naman ngayon ang mga rice farmer sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

--Ads--

Layunin ng programa na matulungan ang mga magsasakang naapektuhan ng tagtuyot sa kanilang mga pangunahing pangangailangan matapos maapektuhan ang kanilang produksyon at kabuhayan.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, target na maabot ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa buong Isabela at maihatid ang tulong hanggang sa katapusan ng Oktubre.

Para sa mga magsasaka, malaking hamon ang epekto ng mga kalamidad sa kanilang kabuhayan. Bukod sa tagtuyot, maaari ring magdulot ng pagkalugi ang mga bagyo dahil sa pinsala sa kanilang mga pananim.

Sinabi ni Ginang Sherolyn Mata, isa sa mga benepisyaryo na malaking tulong sa mga magsasaka ang mga natatanggap na ayuda, lalo na sa panahon ng pagkalugi dahil sa mga kalamidad.

Nagpasalamat din siya sa mga ipinagkakaloob na tulong at umaasang magpapatuloy ang suporta sa sektor ng agrikultura.

Samantala, kabilang sa isinusulong na suporta ang patuloy na pagbibigay ng emergency cash assistance sa mga magsasakang naapektuhan ng tagtuyot.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Congressman Allan Ty, sinabi niyang mahalagang maabot ang mga magsasakang apektado ng tagtuyot at matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng Emergency Cash Transfer at iba pang tulong.

Samantala, nakapaloob din umano sa budget ng national government ang mga susunod na pangangailangan para sa emergency cash transfers at iba pang financial assistance para sa mga magsasakang maaaring maapektuhan ng tagtuyot.

Kabilang dito ang paghahanda para sa mga pangangailangan ng sektor ng agrikultura hanggang 2027.

Patuloy naman ang koordinasyon ng mga kinauukulang tanggapan upang maabot ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.