Nakakagalit at nakakalungkot na kinasuhan ang isang obispo dahil lamang sa hayagang pagtutol sa mga exploration activities sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Ito ang inihayag ng isang environmental advocate matapos kasuhan si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao kasama ang ilang environmental advocates dahil sa kanilang pagtutol sa isinasagawang exploration activities ng North Luzon Minerals Resources Corporation (NLMRC) sa bayan ng Kasibu, Nueva Vizcaya.
Iniuugnay sila sa umano’y pagpapanatili ng isang iligal na barikada sa loob ng Bugkalot/Ilongot ancestral domain bilang bahagi ng pagtutol sa exploration activities.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Florentino Daynos, lider ng isang anti-mining group, sinabi niya na kabilang siya sa mga kinasuhan. Aniya, sanay na siyang nahaharap sa mga kaso dahil sa kanyang adbokasiya, ngunit ikinalulungkot niya na maging ang obispo ay nadamay sa mga demanda.
Ayon kay Daynos, si Bishop Mangalinao ay nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at pagtatanggol sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng mga proyektong pagmimina at walang basehan ang mga isinampang kaso. Dagdag pa niya, ang ganitong uri ng kaso ay ginagamit lamang upang takutin, gipitin, o pahinain ang loob ng mga indibidwal at grupong nagsusulong ng mga usaping pangkalikasan at pampubliko.
Sa kabila ng demanda, sinabi ni Daynos na mananatili silang matatag sa pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at pagtatanggol sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng pagmimina.
Matatandaang ilang ulit nang nagpahayag si Bishop Mangalinao ng suporta sa pangangalaga sa kalikasan at pagtatanggol sa karapatan ng mga katutubong pamayanan na naaapektuhan ng mga proyektong may posibleng epekto sa kapaligiran at kabuhayan ng mga residente.
Samantala, sinabi ni Ginoong Daynos na naibasura na ng korte ang isinampang kasong forcible entry laban sa kanila.











