Positibong tinanggap ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na alisin ang systems loss charge sa buwanang bill sa kuryente ng mga konsyumer.
Sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27, 2026 sa Batasang Pambansa, hinimok ng Pangulo ang Kongreso na suportahan ang hakbang na ito upang maibsan ang mabigat na pasanin ng mga pamilya at negosyong Pilipino sa patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente.
Binigyang-diin ng ERC na buo ang suporta nito sa mga repormang nag-uuna sa kapakanan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagbawas ng mga hindi kinakailangang gastos.
Handa rin ang ahensya na makipag-ugnayan sa Kongreso, Department of Energy (DOE), at iba pang sektor ng industriya upang maipatupad ang mga kinakailangang batas at regulasyon para rito.
Tiniyak ng komisyon na mananatili silang tapat sa kanilang tungkulin na protektahan ang mga konsyumer at isulong ang mas murang kuryente nang hindi naisasakripisyo ang kalidad at reliability ng serbisyo sa buong bansa.











