--Ads--

Nasungkit ni Filipino para swimmer Ernie Gawilan ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa 5th Asian Para Games matapos magkampeon sa men’s 400-meter freestyle S7 sa Nagoya, Japan, nitong Lunes, Oktubre 19.

Nagtala ang 35-anyos na si Gawilan ng oras na 4 minuto at 56.72 segundo upang makuha ang ikatlong sunod niyang ginto sa event at ikalima sa kabuuan sa Asian Para Games.

Pumangalawa ang Chinese swimmer na si Zhang Yilong sa oras na 5:01.36, habang bronze medal naman ang nakuha ni Singaporean Toh Wei Soong sa 5:24.23.

Ayon sa national para swimming coach na si Tony Ong, nakakuha rin si Gawilan ng puwesto sa 2028 Los Angeles Paralympics sa pamamagitan ng kanyang oras.

--Ads--

Inialay naman ng tubong Davao City ang tagumpay sa kanyang asawa at anak na si Eliana.

May dalawa pang event na lalahukan si Gawilan sa kompetisyon, kabilang ang men’s 200-meter individual medley SM7 at men’s 100-meter backstroke S7.