--Ads--

Nilinaw ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero nitong Lunes na hindi ganap na tama ang pahayag ng spokesperson ng korte na maaaring mailabas ang hatol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte bago ang December 16, 2026.

Nauna rito, sinabi ni Senate impeachment court spokesperson Reginald Tongol na maaaring umabot hanggang December 16 ang paglabas ng hatol.

Ayon kay Escudero, nakabatay lamang sa mathematical computation ang naturang pahayag at hindi sa aktuwal na takbo ng impeachment trial. Aniya, hindi ito opisyal na posisyon ng korte at bibigyan niya ng kaukulang instruction si Tongol.

Ginawa ni Escudero ang paglilinaw matapos kuwestiyunin ni Senator-judge Raffy Tulfo ang pahayag ni Tongol, na ikinagulat umano ng ilang senator-judge.

--Ads--

Samantala, sinabi rin ni Senator-judge Francis Pangilinan na walang awtoridad si Tongol na magbigay ng personal na opinyon para sa korte.

Binigyang-diin ni Tulfo na dapat nang paalalahanan ang spokesperson dahil sa umano’y paulit-ulit na pagkakamali sa mga pahayag nito.

Sinabi naman ni Escudero na isasaalang-alang niya ang mungkahi ni Tulfo at kikilos ang korte batay sa naging pahayag ng senator-judge.