Nagsimula sa mga pagdududa at reklamo ng ilang residente ang isyung kinasasangkutan ngayon ng isang establisimyento sa Barangay Nungnungan II, Cauayan City, Isabela.
Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan, napansin umano ng ilang residente ang madalas na paglabas-masok ng mga delivery rider sa naturang lugar kahit na hinihinalang sarado ang establisimyento.
Dahil dito, nagsimula umanong magtanong ang mga residente tungkol sa aktuwal na operasyon sa lugar, lalo na nang makatanggap din umano sila ng mga reklamo kaugnay sa mga cellphone, laptop at iba pang produktong kanilang binibili.
Kabilang sa mga hinaing ang sinasabing pagtanggap ng ilang customer ng mga produktong may sira o hindi maayos ang kondisyon.
Mula sa mga residente, umabot umano sa barangay ang mga reklamo at dito nagsimulang maitala ang mga hinaing kaugnay sa naturang negosyo.
Kalaunan, nakarating ang usapin sa pulisya kasabay ng iba pang impormasyong naging dahilan upang masusing tingnan ng mga awtoridad ang establisimyento.
Gayunman, hindi umano gambling operation ang pangunahing pakay nang isinagawa ang inspeksiyon.
Bahagi ito ng beripikasyon ng Business Permit and Licensing Office o BPLO sa mga establisimyento sa lugar, partikular sa kanilang business permits at iba pang kinakailangang dokumento.
Ngunit sa isinagawang inspeksiyon, isang mahalagang detalye ang nadiskubre sa loob ng lobby ng establisimyento.
Natagpuan ang dalawang makinang tinukoy sa police report bilang video karera o fruit game, na hindi kabilang sa karaniwang cellphone, laptop at iba pang produktong sinasabing ibinebenta online ng establisimyento.
Dahil dito, isinailalim sa inventory at dokumentasyon ng Philippine National Police o PNP ang dalawang makina at dinala ang mga ito sa himpilan para sa kaukulang proseso.
Isinagawa rin ang joint inspection kasama ang National Telecommunications Commission o NTC, BPLO at Bureau of Internal Revenue o BIR upang masuri ang iba’t ibang aspeto ng operasyon ng establisimyento.
Sinusuri ng BPLO kung naaayon sa business permit ang aktuwal na operasyon ng negosyo, habang tinitingnan naman ng BIR ang mga dokumentong may kaugnayan sa pagpaparehistro ng negosyo, invoicing at tax compliance.
Sa bahagi naman ng NTC, sinusuri ang mga telecommunications equipment at iba pang kagamitang maaaring sakop ng kanilang mandato, kabilang ang mga kinakailangang dokumento at awtorisasyon.
Samantala, patuloy na inaalam ng PNP kung sino ang tunay na nagmamay-ari o responsable sa dalawang hinihinalang gambling machine, kung paano ginagamit ang mga ito at kung may kaugnayan ang mga ito sa operasyon ng establisimyento.
Kailangan ding beripikahin ng mga awtoridad ang mga reklamong natanggap kaugnay sa mga ibinebentang cellphone at laptop sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga dokumento, aktuwal na operasyon at pahayag ng mga sangkot.
Sa ngayon, hindi pa nangangahulugang may pananagutan na ang establisimyento o sinumang iniuugnay rito. Ang mga reklamo at mga kagamitang natuklasan ay patuloy pang sumasailalim sa beripikasyon at imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensya.
Mula sa mga napansing delivery rider at reklamo ng mga customer hanggang sa pagkakadiskubre ng dalawang hinihinalang gambling machine, patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang kasagutan sa tunay na operasyon ng naturang establisimyento.
Inaalam din kung kumpleto at naaayon sa batas ang dokumentasyon ng online gadget business at kung paano napunta sa lugar ang dalawang hinihinalang gambling machine.
Inaasahang lilitaw ang mga kasagutan sa resulta ng patuloy na pagsusuri ng PNP, NTC, BPLO at BIR.











