--Ads--

Puspusan na ang paghahanda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa Isabela Convention Center sa Cauayan City para sa Philippine Summit on Localizing Climate Change and Nature-Based Solutions na gaganapin ngayong araw, Nobyembre 25- 26, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maria Gloria Daluddung, Supervising Officer ng Provincial Economic Development and Investment Promotion Office (PEDIPO), sinabi nitong isinasapinal na ang pagsasaayos sa venue at daloy ng programa.

Ayon kay Daluddung, katuwang ng provincial government ang DENR, DTI, at iba pang stakeholders sa paghahanda para sa summit.

Layunin ng pagtitipon na maipakita sa mga delegado ang mayamang agrikultura ng Isabela at mga inisyatibo nito sa pangangalaga ng kalikasan at pagtugon sa climate change.

--Ads--

Inaasahang dadalo si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, kasama ang ilang Cabinet Secretaries at mga delegado mula sa iba’t ibang panig ng bansa.Dahil dito, hinikayat ni Daluddung ang mga Isabelino na makiisa at suportahan ang summit para sa pagsusulong ng mas matatag at luntiang kinabukasan.

Samantala, Ipinabatid ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan ang paglalagay ng mga checkpoint at posibleng re-routing sa mga kalsadang patungo sa Isabela Convention Center (ICON) sa Barangay Tagaran, bilang paghahanda sa Philippine Summit.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallilin, sinabi nitong kabilang sa mga lugar na babantayan ang kahabaan ng Faustino Boulevard, kalsada patungong ICON, gayundin ang daan patungo sa sports complex sa Barangay Tagaran.

Nilinaw naman ng POSD na hindi tuluyang isasara ang mga nabanggit na lansangan, subalit kakailanganin ng permit ang mga hindi kabilang sa mga delegado na nais dumaan sa kalsadang patungo sa ICON.

Papayagan pa ring makadaan ang mga residente sa mga lugar na isasailalim sa total lockdown, ngunit mahigpit na ipagbabawal ang pagpasok ng mga hindi awtorisadong indibidwal.Sa kasalukuyan, puspusan na ang paghahanda ng mga tauhan ng POSD sa mga nabanggit na lugar upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa panahon ng summit.