--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagluluksa ngayon ang pamilya ng isang 14 anyos na estudiyante sa Santiago City na nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti dahil umano sa mga hindi nasagot na module dahil nasira ang kanyang gadget.

Ang nakikitang dahilan ng mga magulang sa pagpapakamatay ng grade 9 at consistent honor student ay ang hindi umano natapos na module.

Ang tatay ng binatilyo ay isang tricycle driver habang nagtatrabaho sa isang parlor ang kanyang nanay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa lolo ng binatilyo, sinabi niya na masaya pa silang nagsasalu-salo sa hapunan noong January 13, 2021 at ang apo pa ang nanguna sa pagdarasal bago sila kumain.

--Ads--

Matapos silang kumain ay dumiretso ang mag-aaral sa kanyang silid para tapusin ang module na iniutos ng kanyang ina .

Hindi umano akalain ng lolo na may ibang binabalak ang kaniyang apo dahil matapos niyang magising ng alas dos ng madaling araw dahil sa kahol ng mga aso ay nagising din ang kanyang apo at magkasama pa silang nagkape bago bumalik sa pagtulog.

Muling nagising ang lolo dakong alas singko ng madaling araw kahapon, January 14, 2021 ay laking gulat niya nang makitang nakabitin na sa kisame ng bahay ang kaniyang apo.

Gumamit ang binatilyo ng lubid sa kanyang pagbigti.

Ayon sa ilang kamag-anak ng binatilyo, nasira ang kanyang gadget kayat posibleng nakaranas ng hirap sa pagsagot sa mga module.

Ito ang maaaring dahilan para hindi natapos ang ilang module na kailangan niyang i-research ang sagot gamit ang gadget.

Ang pahayag ng lolo ng binatilyo

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa ina ng estudyante, sinabi niya na maaring depresyon ang nag-udyok sa kanyang anak na magpakamatay dahil sa mga hindi nasagutang modules.

Sinabihan pa niya ang anak na tapusin na ang pagsagot sa kanyang mga module na hindi pa niya nasagutan dahil sa mensahe ng kanyang guro.

Dagdag pa ng ginang na nais sanang kausapin ng guro ang kanyang anak dakong alas nuebe ng umaga kahapon, January 14, 2021 dahil sa mga hindi niya nasagot na module kaya pinagsabihan niya na gumising ng maaga at hintayin ang tawag ng kanyang guro.

Hindi naman niya pinipressure ang kanyang anak dahil tiwala siya sa kakayahan nito lalo na at siya pa ang nagtuturo sa kanila at mga nakakabata niyang kapatid.

Gayunman ay nais ng kanyang anak na bumalik na ang face-to-face classes dahil mas natututo siya rito.

Hindi naman niya inakala na mangyayari ito sa kanyang anak dahil masigla naman siya sa mga nagdaang araw.

Hiling niya na magsilbi sana itong aral sa mga magulang, guro at mga mag-aaral.

Ang pahayag ng nanay ng nagpakamatay na estudiyante