--Ads--

Tinamaan ng arrow sa leeg ang isang babaeng estudyante habang nasa loob ng silid-aralan sa San Mateo, Isabela, matapos aksidenteng magpakawala ng pana ang isang batang atleta na nagsasanay sa archery.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Eulysses Daquioag, school principal ng Salinungan National High School, sinabi niya na naganap ang insidente bandang alas-4 ng hapon ng Agosto 11, matapos mag-excuse sa klase ang isang student athlete na may dalang bow and arrow.

‎Sinabi ng principal na hindi awtorisado ng paaralan ang pagsasagawa ng archery practice sa loob ng school premises. May kasunduan umano na maaaring mag-practice ang mga atleta matapos ang klase, ngunit dapat itong isagawa sa labas ng paaralan at sa itinakdang lugar.

‎Gayunman, dala ng batang atleta ang kanyang kagamitan at nag-release umano ng arrow sa bahagi ng amphitheater, kung saan may target na pansamantalang inilagay habang hinihintay na mailipat sa open field na nakalaan para sa kanilang pagsasanay.

--Ads--

‎Nag-slip umano ang target nang pakawalan ang arrow, dahilan upang tumagos ito sa bintana ng classroom at tamaan sa leeg ang babaeng estudyante.

‎Agad aniyang inasikaso ng guro ang biktima at humingi ng tulong sa San Mateo rescue team. Isinugod ang estudyante sa isang ospital sa Santiago City at sumailalim sa operasyon noong gabi rin ng insidente.

‎Ayon sa principal, stable na ang kondisyon ng biktima at sinabi ng doktor na ligtas na ito, bagama’t kailangan pa nitong manatili sa intensive care unit sa loob ng dalawang araw para sa mahigpit na pagmamanman.

‎Nakipag-ugnayan na rin umano ang paaralan sa pamilya ng biktima at ng estudyanteng may hawak ng bow and arrow. Nagbigay rin ang paaralan ng paunang financial assistance para sa gastusin sa pagpapagamot ng biktima.

‎Samantala, wala umanong coach na nag-supervise sa batang atleta nang mangyari ang insidente dahil hindi naman ito bahagi ng opisyal na archery practice at naka-leave din ito.

‎Bilang tugon, sinabi ng pamunuan ng Paaralan na paiigtingin nito ang pagpapatupad ng safety measures sa paggamit ng mga sports equipment, partikular sa mga kagamitang maaaring makapinsala gaya ng bow and arrow, javelin, discus at shot put.