Naglabas ng mga hakbang ang Schools Division Office (SDO) Isabela upang palakasin ang mga safety protocol sa mga paaralan kasunod ng insidenteng kinasangkutan ng isang Grade 10 student na nasugatan ng pana sa Salinungan National High School sa San Mateo, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DRRM Officer Kris Dela Cruz ng SDO Isabela, sinabi niya na inatasan ng pamunuan ang lahat ng paaralan sa lalawigan na rebyuhin at higpitan ang mga patakaran sa paggamit ng mga kagamitang pampalakasan na maaaring magdulot ng pinsala, kabilang ang pana at iba pang projectiles.
Nangyari ang insidente noong Agosto 11, 2026 nang masugatan sa leeg ang isang Grade 10 student matapos aksidenteng tamaan ng arrow na naipakawala ng kapwa mag-aaral na nagsasagawa umano ng ensayo para sa posibleng pagsali sa kompetisyon.
Batay sa ulat ng San Mateo Police Station at ng paaralan, walang pahintulot mula sa school head ang naturang pagsasanay at wala ring guro o kawani ng paaralan na nag-utos o nangasiwa sa aktibidad sa loob ng school premises.
Agad namang dinala ang biktima sa isang ospital sa Santiago City kung saan ito sumailalim sa emergency surgery.
Kasunod ng insidente, nagsagawa ng validation ang DepEd Division Office sa tulong ng ulat mula sa pulisya at kasalukuyang sinusuri ang usapin ng awtorisasyon at superbisyon sa naturang aktibidad.
Nagkakaloob na rin ang DepEd ng psychosocial support sa nasugatang mag-aaral, sa estudyanteng nagpakawala ng arrow, gayundin sa mga guro at kaklaseng nakasaksi sa pangyayari.
Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang ahensya sa pamilya ng biktima upang matugunan ang medical at iba pang pangangailangan nito habang naipasa na rin ang opisyal na ulat sa DepEd Regional Office.
Ayon sa DepEd, dapat tiyakin ng mga paaralan ang wastong risk assessment, sapat na awtorisasyon, pagtukoy sa ligtas na lugar para sa pagsasanay at mahigpit na superbisyon sa mga aktibidad upang maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap.
Nangako rin ang ahensya na magsasagawa ng kaukulang administrative action laban sa sinumang mapatutunayang may pananagutan batay sa resulta ng imbestigasyon at alinsunod sa Child Protection Policy ng DepEd.











