Nahaharap ngayon sa reklamong kriminal at administratibo si dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman kaugnay ng umano’y iligal na paglilipat ng bilyun-bilyong pisong pondo mula sa PhilHealth at Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) papunta sa National Treasury.
Inihain ni Dr. Tony Leachon ang reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Pangandaman dahil sa umano’y technical malversation, graft, at iba pang paglabag sa administratibong batas.
Ayon sa reklamo, dapat umanong maisama si Pangandaman bilang respondent dahil sa sinasabing partisipasyon nito sa pag-apruba at pagpapatupad ng mga hakbang na may kaugnayan sa kontrobersyal na fund transfer noong siya pa ang namumuno sa DBM.
Kabilang sa isyung tinukoy ang paglilipat ng P60 bilyong sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at P107 bilyong pondo ng PDIC patungo sa pambansang kaban ng bayan.
Iginiit din sa reklamo na kabilang umano si Pangandaman sa “concerted and coordinated governmental action” sa pagpapatupad ng mekanismo ng fund transfer na kasalukuyang kinukuwestiyon.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Pangandaman hinggil sa mga paratang.
Noong Disyembre ng nakaraang taon, ipinag-utos ng Korte Suprema sa pamahalaan na ibalik ang P60 bilyong sobrang pondo ng PhilHealth sa pamamagitan ng 2026 General Appropriations Act (GAA).
Sa desisyon ng Supreme Court En Banc, idineklarang unconstitutional at walang bisa ang ilang probisyon ng 2024 GAA at ang kaugnay nitong Finance Circular, na nagsilbing basehan sa paglilipat ng pondo, dahil umano sa grave abuse of discretion.
Nauna na ring nagsampa si Leachon ng reklamo laban sa iba pang opisyal ng gobyerno, kabilang sina dating Finance Secretary Ralph Recto, dating Budget Secretary Rolando Toledo, at ilang opisyal ng PhilHealth at PDIC kaugnay ng parehong usapin.
Batay sa rekord, target sanang ilipat ang kabuuang P89.9 bilyon mula sa PhilHealth funds, ngunit P60 bilyon lamang ang aktuwal na nailipat bago ito napigilan ng Korte Suprema.











