Wala pang nakikitang dahilan ang pamahalaan upang ipagbawal ang Facebook sa bansa, ngunit pinag-aaralan nito ang posibilidad na higpitan ang mga social media platform na hindi nakikipagtulungan sa mga awtoridad.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, patuloy na nakikipag-ugnayan ang Facebook sa gobyerno, partikular sa pagtanggal ng mga post na naglalaman ng karahasan at maling impormasyon.
Kasabay nito, patuloy na sinusuri ng Malacañang ang mga posibleng regulasyon upang maprotektahan ang publiko, lalo na ang mga kabataan, laban sa mapaminsalang content sa social media at online gaming platforms.
Samantala, nakatakdang makipagpulong si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda sa mga kinatawan ng Facebook sa Singapore upang mapabilis ang pagtugon ng kumpanya sa mga kahilingan ng pamahalaan.
Layunin ng gobyerno na makabuo ng mas malinaw at mas mahigpit na panuntunan na sasaklaw sa lahat ng social media platforms na ginagamit sa bansa.











