Kinukwestyon ng Federation of Free Farmers (FFF) ang ilang transaksyon ng mga Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs) sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) kaugnay ng importasyon at bentahan ng imported na bigas sa pamilihan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Leonardo Montemayor, chairman of the board ng FFF, maliwanag sa batas at mga utos ng Pangulong Marcos na dapat munang ideklara ang kakulangan sa lokal na suplay bago makapag-angkat ang isang GOCC. Subalit mula 2025 hanggang ngayon, wala pang deklarasyon ang Secretary of Agriculture tungkol sa kakulangan sa lokal na supply ng bigas.
Sinabi rin ni Montemayor na ang Philippine Planters Incorporated (PPI) ay nakipag-transaksyon sa Telangana State Corporation sa India simula 2025, ngunit hindi naipapakita na ito ang pinakamurang opsyon para sa pamahalaan. Dagdag niya, umaangkat din ang PPI ng bigas mula Vietnam, na nagpapakita ng kawalan ng transparency sa pagpili ng supplier.
Samantala, ang Food Terminal Incorporated (FTI), na subsidiary ng National Food Authority (NFA), ay nagbebenta rin ng imported na bigas sa ilalim ng brand na Binhi Rice. Bagaman sinasabi ng FTI na on consignment lamang ito, maaaring maapektuhan ng bentahan ang presyo ng palay sa lokal na pamilihan, ayon sa FFF.
Ayon kay Montemayor, ang kawalan ng malinaw na deklarasyon at transparent na proseso sa importasyon ay may direktang epekto sa mga magsasaka at sa lokal na presyo ng bigas, kaya nananawagan ang FFF na ipatupad ang batas at executive orders na nagtatakda ng wastong pamamahala sa importasyon.











