CAUAYAN CITY– Nagtala ng apat na kaso ng firecracker related injuries sa pagsalubong ng bagong taon ang Office of the Civil Defense region 2 na mas mababa kumpara sa naitala noong nakaraang taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni G. Francis Joseph Reyes, tagapagsalita ng OCD region 2 na ang apat na firecracker related injuries ay naitala sa Roxas,Isabela; Saguday, Quirino; Santiago City at sa Tumauini, Isabela.
Walang naitala ang OCD region 2 na biktima ng ligaw na bala at wala ring nakalunok ng paputok.
Dalawa sa apat na biktima ay mismong humawak ng mga paputok habang ang dalawa naman ay aksidenteng naputukan.
Kasama sa mga biktima ay isang 7 anyos na bata na nagkaroon ng eye injury habang ang isa pa ay 40 anyos na lalaki na gumamit ng labentador na ipinagbabawal na paputok.
Isa pang naputukan ng ipinagbabawal na piccolo sa mata ay 6 anyos na bata.
Ang 23 anyos na lasing na lalaki naman ay naputukan ng kwitis sa kamay na nagsanhi para maputulan ng apat na daliri.











