--Ads--

Ipinanawagan ng mga tricycle driver sa Lungsod ng Cauayan ang pagpapatupad ng fix na pamasahe upang maiwasan ang kalituhan sa pagitan nila at ng mga mananakay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Edilberto Menor, Tricycle Driver, sinabi niya na nahihirapan silang magtakda ng pamasahe dahil wala silang sinusunod na opisyal na fare matrix.

Dahil dito, nagiging sanhi umano ito ng pagtatalo at hindi magandang pakikitungo mula sa mga pasahero. May mga pagkakataon din aniya na nasusungitan sila lalo na kung hindi tugma ang kanilang singil sa inaasahang pamasahe ng mga pasahero.

Dahil sa mga ganitong sitwasyon, napipilitan na lamang umano silang tanggapin kahit ang maliit na halaga ng bayad.

--Ads--

Aniya, may mga pasahero pa ring nagbibigay ng kinse pesos na pamasahe na tinatanggap pa rin nila kahit na bente pesos na ang minimun na pamasahe sa lungsod.

Dahil dito ay umaasa ang mga tricycle driver na mabibigyang-solusyon ang kanilang hinaing sa pamamagitan ng paglalabas ng malinaw at patas na fare matrix na magsisilbing gabay sa mga namamasada at pasahero.