--Ads--

Isasagawa ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang flood drill sa mga lugar na madalas makaranas ng pagbaha sa Cauayan City bilang bahagi ng mga aktibidad ngayong National Disaster Resilience Month ngayong Hulyo.

‎Pangunahing tututukan ng pagsasanay ang Sitio 12 ng Villa Luna, na kabilang sa mga lugar na unang nakararanas ng pagbaha tuwing may matinding pag-ulan.

‎Ayon kay CDRRMO Chief Ronald Viloria, layunin ng flood drill na sanayin ang mga residente sa tamang proseso ng pagtugon at paglikas upang maging mas epektibo ang evacuation operations sa panahon ng sakuna.

‎Sinabi ni Villoria na bagama’t nakasanayan na ng mga residente ang pagbaha, mahalaga pa rin ang pagkakaroon ng maayos na sistema at paghahanda upang mabawasan ang panganib at epekto nito sa komunidad.

--Ads--

‎Kasama rin sa mga aktibidad ang First Aid Olympics para sa mga estudyante at mga kinatawan ng barangay upang mapaunlad ang kanilang kaalaman sa pagbibigay ng paunang lunas sa panahon ng emergency.

‎Isasagawa rin ang Climate Change Action Plan Training para sa CDRRM Council upang makapaglatag ng mga hakbang laban sa epekto ng climate change, kabilang ang nararanasang tagtuyot.

‎‎‎Nanawagan naman ang mga awtoridad sa publiko na manatiling alerto at aktibong makiisa sa mga programa para sa kahandaan sa anumang uri ng kalamidad.