CAUAYAN CITY – Pangunahin sa mga tinututukan ngayon ng pamunuan ng Isabela School of Ars and Trade at Technical Education and Skills Authority (ISAT-TESDA) ang Food Food Food Program ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga libreng training sa iba’t ibang Local Government Units (LGU) may kaugnayan sa agrikultura.
Unang napaulat na nagsimula na ang pagbubukas ng limited face-to-face learning ng para sa ilang training courses.
Ilan sa mga training courses na pinahihintulutan para sa limited face-to-face learning ay ang mga contactless o hindi nangangailangan ng personal na pakikisalamuha ng mga tao sa isa’t isa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Superintendent Edwin Madarang ng (ISAT-TESDA), sinabi niya na ang hakbang ng kanilang pamunuan ay naglalayong makapagbigay ng sapat na kaalaman upang matustusan ang mga pangangailangan ng mga residente pagdating sa pagkain lalo na ngayong nararanasan ang COVID-19 pandemic.
Aniya, layunin din ng ISAT-TESDA na mabigyan ng prayoridad ang larangan ng agrikultura sa lalawigan dahil kailangang maisa-alang-alang ang food security ngayong nararanasan ang pandemiya.
Isinasagawa ang pagsasanay sa iba’t ibang barangay sa Lunsod ng Ilagan maging sa ilang bayan sa Isabela.
Mismong ang pamunuan ng ISAT-TESDA ang nagtutungo sa mga lugar upang ihatid ang mga kaalaman sa mga mamamayan.












