Ipinagtaka ng grupo ng transportasyon kung bakit inuna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsuspinde sa excise tax ng Liquefied Petroleum Gas (LPG), at kerosene sa halip na Diesel at Gasolina.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mody Floranda, Chairman ng PISTON, sinabi niya na kung susumahin ay mas mahalagang mapababa ang presyo ng gasolina at diesel dahil mas marami ang naapektuhan nito.
Aniya, malaking kaginhawaan para sa mamayan ang pagsuspinde sa excise tax ng LPG ngunit sana ay isinabay na rin ang pagtanggal ng kaparehong buwis sa langis.
Dahil dito ay patuloy na nananawagan ang grupo sa pamahalaan na ibasura ang oil deregulation law, excise tax at Value Added tax ng produktong petrolyo.
Kapag nangyari ito ay halos nasa 25 pesos kada litro ang maibabalik na kita ng mga tsuper at operator, kasabay rin nito ang pagbaba ng presyo ng mga bilihin.
Nanawagan din sila na ibalik sa dating presyo na 55 pesos ang presyo ng Diesel at 57 sa presyo ng gasolina.
Samantala, magsasagawa naman ng pagkilos ang grupong PISTON hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa iba’t ibang bahagi ng bansa simula bukas, April 15 hanggang sa mapagbigyan ang kanilang hinaing at kahilingan sa pamahalaan.











