Handang-handa na ang beauty queen na si Gazini Ganados sa kanyang laban para sa kauna-unahang Miss Grand International All Stars matapos siyang dumating sa Bangkok, Thailand.
Bilang artist at beauty queen, opisyal na siyang sumali sa mga aktibidad ng pageant kung saan siya ay kabilang sa 59 na kandidata mula sa iba’t ibang bansa.
Sa kanyang unang araw sa pageant festivities, suot ni Gazini ang isang phoenix-inspired na kasuotan na gawa ng Filipino designer na si Patrick Isorena, na agad umani ng atensyon sa mga tagasuporta ng pageant.
Nauna na ring pumasok si Gazini sa Top 5 ng Missosology Hot Picks para sa kompetisyong ito, na nagpapakita ng mataas na expectation sa kaniya ng publiko.
Kasama rin sa kompetisyon ang kapwa Pilipina na si Fuschia Ravena, na nakapasok sa Top 20 sa ika-11 puwesto. Kabilang din sa mga kinatawan ng Pilipinas sina Imelda Schweighart, Keylyn Trajano, at Alexia Nunez.
Ayon sa organizers, bukas ang All-Star edition ng Miss Grand International sa mga babae at trans women na may edad 20 hanggang 40 na dati nang sumali sa mga international pageant.
Ang coronation night ay gaganapin sa Mayo 30 sa Bangkok, Thailand.











