Pipirma na bilang import ng Nakhon Ratchasima 3M Films sa Thailand Volleyball League si Alas Pilipinas opposite spiker Alyssa Solomon.
Pormal nang inanunsiyo ng kampo ni Solomon ang kaniyang paglipat sa Thai club na siyang defending champion sa liga.
Inaasahang makatutulong ang dating National University standout sa kampanya ng Nakhon Ratchasima na isa sa mga powerhouse team sa Thailand.
Si Solomon ang ikatlong Pilipinang volleyball player na maglalaro para sa naturang koponan. Nauna nang naglaro rito sina middle blocker Celine Domingo at opposite spiker Mylene Paat noong 2021–2022 season.
May karanasan na rin si Solomon sa paglalaro bilang import matapos niyang makasama ang Osaka Marvelous sa Japan V.League noong nakaraang season.
Bumalik siya sa Pilipinas upang muling makasama ang Alas Pilipinas sa paghahanda para sa mga international tournament, kabilang ang katatapos na 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan.
Ilang ulit na rin siyang kinilala bilang Best Opposite Spiker sa SEA V.League habang naglalaro para sa pambansang koponan.











