--Ads--

Nag-uwi ng karangalan para sa Pilipinas ang isang estudyante ng University of Perpetual Help System Cauayan Campus matapos maging bahagi ng Team Philippines na nagkampeon sa ASEAN-Japan Cybersecurity Capacity Building Centre (AJCCBC) Cyber Sea Games sa Bangkok, Thailand.

Kinilala si Glenn Gabriel Castillejo na tubong Reina Mercedes, Isabela bilang isa sa apat na miyembro ng National Team na nagwagi sa naturang kompetisyon, kasama ang tatlo pang Filipino cybersecurity talents mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Castillejo, ibinahagi nito na nagsimula ang kaniyang journey sa HackForGov 2026, kung saan nagkampeon ang kanilang unibersidad sa Region 2 competition na inorganisa ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Bukod sa pagkapanalo ng kanilang team, kinilala rin siya bilang Top Performer na naging dahilan upang maimbitahan siyang maging bahagi ng Team Philippines na kakatawan sa bansa sa Cyber Sea Games.

--Ads--

Aminado naman si Castillejo na hindi niya inaasahan ang kanilang pagkapanalo, lalo’t nasa ikapitong puwesto lamang sila noong unang araw ng kompetisyon mula sa siyam na bansang kalahok sa ASEAN.

Gayunman, nakabawi ang kanilang grupo sa ikalawang araw hanggang sa tuluyang makuha ang unang puwesto.

Sa naturang kompetisyon, isa sa mga challenges na kanilang hinarap ang Jeopardy-style Capture-the-Flag (CTF), kung saan binigyan ang mga kalahok ng iba’t ibang problema na kailangan nilang imbestigahan at solusyunan gamit ang kanilang technical skills.

Kabilang sa mga naging hamon ang reverse engineering at digital forensics, na nangangailangan ng pagsusuri sa mga digital system at impormasyon upang matukoy ang mga posibleng security issues.

Dalawang linggo bago ang kompetisyon sa Thailand ay naghanda na ang kanilang grupo sa pamamagitan ng pagsali sa mga online international cybersecurity events na may kaparehong format.

Ayon kay Castillejo, isa sa naging dahilan ng kanilang tagumpay ang maayos na collaboration ng kanilang grupo, kahit hindi pa sila gaanong katagal na magkakakilala.

Layunin din ng naturang kompetisyon na mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa mga cyberattacks gaya ng phishing at mahikayat ang mga kabataan na matuto kung paano maiiwasan at mapipigilan ang mga ganitong cyberthreats.

Matapos ang kanilang pagkapanalo, umaasa naman ang koponan na muli silang mapipiling kumatawan sa Pilipinas sa susunod na edisyon ng kompetisyon na gaganapin sa South Korea.