Bumaba ng tatlong puwesto ang Gilas Pilipinas sa FIBA men’s world rankings matapos mabigo sa dalawang laro nito sa 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Mula sa dating ika-36 na puwesto, nalaglag ang Gilas sa No. 39 matapos ang 102-106 overtime loss kontra New Zealand at 49-92 pagkatalo sa Australia sa kanilang road games.
Nanatili namang ikapitong pinakamahusay na koponan sa Asia-Pacific ang Gilas. Nangunguna pa rin ang Australia sa rehiyon sa kabila ng pagbaba nito sa No. 7 sa world rankings, habang nasa No. 22 ang Japan at No. 25 ang New Zealand.
Naungusan naman ng Iran ang China matapos umakyat sa No. 26, habang bumagsak ang China sa No. 30. Umangat din ang Lebanon sa No. 31, kasunod ang Jordan sa No. 41.
Sa ikalawang round ng qualifiers, Iran lamang ang mas mataas ang ranking kaysa Gilas sa kanilang grupo. Gayunman, mas maganda ang kartada ng Iran at Syria na kapwa may 5-1 rekord.
Muling sasabak ang Gilas sa fourth window ng qualifiers sa Agosto 28 laban sa Jordan at Agosto 30 kontra Iran sa Mall of Asia Arena.
Samantala, nanatiling nasa Top 5 ng FIBA world rankings ang United States, Germany, Serbia, France at Canada.











