--Ads--

Matinding hamon ang naghihintay sa Gilas Pilipinas sa nalalapit na FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers at Asian Games.

Unang sasabak ang Gilas sa second round ng World Cup qualifiers sa huling bahagi ng Agosto sa Mall of Asia Arena bago depensahan ang gintong medalya nito sa Asian Games sa Setyembre sa Nagoya, Japan.

Ayon kay head coach Tim Cone, kailangang paghandaan nang mabuti ng koponan ang dalawang torneo, lalo na sa pagkawala ni Kai Sotto na mahalagang bahagi ng kanilang opensa at depensa.

Gayunman, kumpiyansa si Cone sa mga manlalarong handang umangat tulad nina Kevin Quiambao at Carl Tamayo. Kamakailan ay nagtala si Quiambao ng 23 puntos habang umiskor naman si Tamayo ng 17 puntos laban sa New Zealand sa FIBA qualifiers.

--Ads--

Pinuri ni Cone ang dalawa at sinabing malaki ang kanilang pag-unlad dahil sa karanasang nakukuha sa paglalaro sa ibang bansa.

Makakaharap ng Gilas ang Jordan sa Agosto 28 at Iran sa Agosto 30 bago tumulak sa Asian Games kung saan kabilang ito sa Pool C kasama ang China, Bahrain, at Kazakhstan.