CAUAYAN CITY– Bumuwelta si Governor Rodito Albano ng Isabela sa ilang grupo na nagsabing siya ay sinungaling kaugnay sa sitwasyon ng illegal logging at mining sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, hinamon ni Governor Albano ang environmental group na tumuligsa sa kanya na kung mayroon silang ebidensya ay magsampa sila ng kaso at ituro kung saan ito matatagpuan.
Aniya, ang sinabi niyang walang illegal logging at mining sa Isabela ay batay lamang sa kanyang pagkakaalam at kung mayroon mang mining activity sa bayan ng Dinapigue ay ligal ito at may permit.
Ayon pa sa kanya, batay sa mga pulis at sundalo ay wala umanong illegal mining at logging sa Isabela.
Dagdag niya na kung totoo ang sinasabi nilang may protector ang mga nagsasagawa ng illegal logging ay ituro nila at masampahan ng kaso.
Sinabi ni Governor Albano na para mapatunayang walang nangyayaring illegal logging sa Isabela ay magsasagawa sila ng aerial survey para makita ng mga tao ang mga kagubatan.
Aniya, hindi ito ang panahon para magturuan, sa halip ay magtulungan na lamang para hindi na maulit ang nangyaring malawakang pagbaha.
Matatandaang sinabi ni Alyansa Tigil Muna (ATM) National Coordinator Jaybee Garganera na wala man silang hawak sa ngayon na actual evidence ay may mga makakapagpatunay na hindi natigil ang illegal mining at logging sa Isabela.
Ayon naman kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP President Danilo Ramos, nakalulusot pa rin ang mga illegal loggers at miners dahil sa pagkunsinti ng lokal na pamahalaan.
Aniya, ang mga nagsasabing wala ng illegal logging at mining ang dapat na imbestigahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Interior and Local Goverment (DILG) dahil sila ang maaaring nagtatakip sa tunay na sitwasyon.











