CAUAYAN CITY – Nagsampa ng bagong reklamo si dating Mayor Noli Siquian ng Angadanan, Isabela sa tanggapan ng Ombudsman kaugnay ng akusasyon na overpricing sa construction ng Ilagan-Divilacan Road Rehabilitation Project.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni dating Mayor Siquian na batay sa kanilang pag-aaral kasama ang mga abogado, natuklasan umano nila ang sabwatan ng ilang opisyal ng Isabela sa naturang proyekto.
Batay sa inihaing reklamo, nagkaloob ang Development Bank of the Philippines (DBP) ng 2.9 billion pesos na loan sa pamahalaang panlalawigan ng Isabela at ginamit ang Internal Revenue Allotment (IRA) bilang collateral.
Sa nasabing halaga ay 1.6 billion pesos ang inilaan na pondo para sa proyekto.
Batay sa ikatlong pahina ng bagong reklamo ay inaakusahan ni dating Mayor Siquian si dating governor ngayon ay Vice Governor Faustino ‘Bojie’ Dy III at iba pang opisyal ng paglabag sa Republic Act 7080 o Plunder with Conspiracy, Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Malversation of Public Funds at Falsification of public documents.

Matatandaan na unang kinuwestiyon ng grupo ni dating Mayor Siquian ang naturang proyekto noong July 12, 2019 dahil sa usapin ng overpricing at sinasabing nagkakahalaga ng 39 million ang bawat kilometro ng daan subalit hanggang ngayon ay wala pang lumalabas na evaluation sa isinampang kaso sa Ombudsman.
Apela ni dating Mayor Siquian sa pamahalaan maging sa Kamara at Senado na dinggin ang kanilang reklamo.
Dahil sa naturang akusasyon ay muling sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na kunin ang panig ni Vice Governor Bojie Dy subalit hindi siya nagpaunlak ng interview kaugnay sa naturang usapin.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito Albano, sinabi niya na tatlong taon nang ginagawa ang naturang proyekto at dapat ay nasa ¾ o 75% nang natapos subalit hindi naituloy dahil sa pagguho ng lupa sa 60 kilometers sa gitnang bahagi ng ginagawang daan nang magkaroon ng mga kalamidad.
Dahil dito kailangang magsagawa ng rerouting ng nasa 40 hanggang 60 na kilometro kaya hindi pa ito matatapos sa susunod na taon.
Sa ngayon ay hindi pa nila alam kung paano ang pagrerenew sa proyekto at kung paano magkakaroon ng rebidding.
Aniya, maaring aabot pa ng 6 na buwan bago ito muling maipagpatuloy dahil kailangan pa ng mahigit 700 million na pondo.
Ito ay sa kabila ng contract amount sa naturang proyekto ng CM Pancho Construction Incorporated na 1.3 billion.
Idinagdag pa ng punong lalawigan na nagbibigay ng periodic report ang contractor ng proyekto.
Ayon kay Governor Albano, bukas ang sinuman na may mga katanungan tungkol sa proyekto at kanyang sasagutin.
Ang Ilagan-Divilacan road ay 82 kilometers na daan na nagdurugtong sa lunsod ng Ilagan sa mga coastal towns ng Divilacan at Maconacon.
Nagsimula ito sa Barangay Cabisera 10 at Barangay Sindon Bayabo sa Lunsod ng Ilagan at magtatapos sa Barangay Dicatian, Divilacan.
Kapag nabuksan ang Ilagan-Divilan road ay mas madali at mabilis na ang paglalakbay ng mga mamamayan patungo at pabalik sa bayan ng Divilacan.
Bukod dito ay mas madali na ring mailabas ang kanilang mga produkto patungo sa mainland Isabela.
Batay sa natatanggap na impormasyon, bahagyang bumaba ang presyo ng mga bilihin sa lugar dahil mas accessible na ito sa mga mamamayan at marami na ang nagbabalak na magnegosyo sa mga coastal towns ng Isabela na itinuturing na paraiso ng norte dahil sa mga white beaches at malawak na natural bonsai trees.












