CAUAYAN CITY – Hinamon ni Governor Rodito Albano ang operator ng Small Town Lottery (STL) sa Isabela na patunayan ang kanilang alegasyon kaugnay sa pagpapatigil sa kanilang operasyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, pinabulaanan ni Governor Albano ang mga paratang na STL operator na Sahara Gaming Corporation na humihingi sila ng payola kapalit ng pagpapatuloy sa kanilang operasyon.
Hinamon niya ang mga ito na magsampa ng kaso sa Tanggapan ng Ombudsman at nakahanda siya sa isasagawang imbestigasyon.
Hindi siya natatakot na harapin ang isasampa nilang kaso dahil wala naman silang ebidensiya.
Ayon sa kay Gov. Albano, ipinapatupad lamang nila ang batas at muling iginiit na Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO lamang ang puwedeng magpatakbo sa STL.
Pinaghahanda niya rin ang mga ito na kapag hindi nila napatunayan ang kanilang sinasabi ay magsasampa sila ng kasong libel.











