--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinatigan ni Governor Rodito Albano ng Isabela ang pagpayag na ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa pag-angkas sa motorsiklo ng mga nakatira sa iisang bahay nang walang barrier.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito Albano,  sinabi niya na dati pa ay hindi na siya pabor sa paglalagay ng barrier ng mga magkaangkas sa motorsiklo.

Sinabi ng punong lalawigan na kahit face mask, face shield at helmet lang ay maaari na sa magkaangkas sa motorsiklo basta mag-asawa o nakatira sa iisang bahay.

Ayon kay Gov. Albano, sa mga namamasadang tricycle,  kailangan na ang pasahero ay nakasuot ng facemask  at face shield habang ang tsuper ay kahit face mask lamang para hindi  maging sagabal ang face shield sa kanilang pagmamaneho.

--Ads--

Gayunman, kapag naghihintay ng pasahero ang tsuper ay dapat may suot na face mask at face shield upang mas ligtas sa virus.

Dagdag pa ni Gov. Albano, na kakausapin niya si PCol. James Cipriano, provincial director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) upang luwagan ang pagpapatupad sa panuntunan hinggil sa pagsusuot ng face shield ng mga tricycle driver.

Ang pahayag ni Gov. Rodito Albano.