
CAUAYAN CITY – Pinuna ni Governor Rodito Albano ang pagpapatupad ng lockdown ng ilang Local Government Unit (LGU) na hindi idinadaan sa pamahalaang panalawigan ng Isabela.
Nakatakdang mag-isyu ng memorandum si Gov. Albano para sa mga mayor sa Isabela may kaugnayan sa COVID-19 .
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano, sinabi niya na may mga natanggap siyang sulat mula sa Regional Inter Agency Task Force (RIATF) na galing sa mga mayor tungkol sa pagpapatupad ng mga protocols sa COVID-19.
Iginiit ng punong lalawigan na bago magtungo sa RIATF ang mga mayor ay dapat dumaan muna sila sa pamahalaang panlalawigan dahil ito ang protocol.
Layunin din nitong maging maayos ang mga ipinapatupad na alituntunin sa lalawigan.
Ayon kay Gov. Albano, Kung hindi sila tatalima ay uutusan niya ang mga pulis na hindi na ipatupad ang kanilang mga quarantine protocols gayundin ang karapatan nilang gumawa ng alituntunin kaugnay sa COVID-19.
Binigyang-diin ni Gov. Albano na siya lamang ang puwedeng magdeklara ng lockdown.
Inihalimbawa niya ang Lunsod ng Ilagan na muntik ng ipatupad ang Enhanced Community Quarantine o(ECQ) sa buong lunsod.
Ayon kay Governor Albano, hindi puwedeng kapag nagpositibo ang mayor ng isang bayan o lunsod ay isasailalim na sa lockdown ang kanilang lugar.
Dagdag pa ni Gov. Albano na hindi rin puwedeng magsara ang mga munisipyo sa halip ay magpatupad na lamang ng skeletal force.










